NAKATAGONG PARAISO NG SILANGAN
Tandang-tanda ko pa kung paano mamilog sa pagkamangha ang aking mga mata tuwing ikukwento ng yumao kong lola ang tungkol sa itinuturing niyang “paraiso”. At wala syang ibang tinutukoy kundi ang kanyang bayang sinilangan. . .ang bayan ng Hernani.
Isang bayan na tila mahiwaga at puno ng mahika na karaniwang nakikita lamang sa mga kwentong pantasya na pambata.
Hindi ako mahilig sa pagababasa ng mga fairy tale na kagaya ng nakaugalian at nakahiligan ng halos lahat ng bata sa aking panahon. Mas gusto ko kasi na pinakikinggan ang mga kwento ng lola ko tungkol sa malaparaisong mga tanawin sa bayan ng Hernani dahil maliban sa hindi na ako magpapagod magbasa ay batid kong mas makatotohanan ito kaysa sa kwento ng isang prinsesa na nakatagpo ng kanyang prinsipe sa pamamagitan ng isang naiwang sapatos matapos ang isang mahiwaga at mapagpanggap na gabi. Sa tuwing pinakikinggan ko ang aking mahal na lola ay nakikita ko sa aking imahenasyon kung gaano kaganda ang naturang kapaligiran kahit hindi ko pa ito nakikita. Sa aking hinuha naaaninag ko ang mga maka-ugpas hiningang tanawin.
At hindi nga ako nagkamali. Ang aking pinapangarap na kagandahan ay aking napatunayan sa aming pagbabalikbayan. Patunay rito ang Panay Beach na tila Boracay sa kinang ng puti at pinong buhangin na parang gatas sa aking pagwari. Maging ang Basyao na parang pantalan dahil sa maraming makukulay na bangkang nakadaong dito. Isa pa ay ang Canhugas na animo’y nasa gitna ako ng Pasipiko dahil sa tanaw na tanaw ko ang malawak na karagatan. Maging sa mga talon ay may maipagmamalaki ang bayan ng Hernani. Tulad ng sa Bangon Falls kung saan parang kristal ang malinis at malinaw na tubig sa tuwing tinatamaan ng sikat ng araw. May matataas din itong kabundukan na maaring pagtayuan ng zip line at akyatin ng mga mahilig mag-hiking kung mabibigyan lamang ng pagkakataong linangin at isaayos ang mga ito.
Tunay ngang malaparaisong maituturing ang bayan ng Hernani. Ngunit ito ay tila isang paraisong nagtatago mula sa mabilis at maragsang pagbabago sa paligi dulot ng tinatawag nilang “pag-unlad”. Ito ay hindi pa nakikilala, natutuklasan, at kinahuhumalingan ng mga turista mula sa ibang bayan. Maituturing itong isang sanktwaryo sa gitna ng magulo at maingay na kabihasnan. Bilang isang batang may labis na paghanga at pagmamahal sa paraisong ito, aking hinihimok ang lahat ng mamamayan ng Hernani na ako ay sabayan at tulungan sa pagpapanatili ng kagandahan at kalinisan nito. Dumating man ang panahong mabuksan ito sa mga turista, nawa’y manatili natin ang hiwaga at mahika sa mga likas na tanawing tila ipininta mismo ng isang malikhain at makapangyarihang kamay ng langit.






Comments